23/03/2023
Hindi mo man naikukuwento sa iba pero hindi maipagkakaila,
Ang iyong sarili ay ilang beses mo na ring isinalba.
Mula sa kadiliman ng pangamba at takot—
Sa bingit ng depresyon at lungkot.
Ang totoo, muntik ka nang sumuko,
Dahil sa pagod na hatid ng mundo,
Pati ang mga inaasahan sa'yo ng tao—
Pinipilit mo ang iyong sarili sapagkat ayaw mo silang mabigo.
Hindi mo man sabihin, pero ilang ulit mo na ring tiniis ang sakit.
Ang pangungulila, pagkabahala, ang labis na pag-iisip at mga tanong na "bakit?".
Nakatago sa maaliwalas mong mukha—
Ang mga pinakamasakit na pagluha.
Lumalaban ka man ngayon nang tahimik at mag-isa,
Pero ang puso mo'y patuloy na naniniwala't umaasa,
Darating din ang mas magaan na umaga—
At ang mga "sana" ay may katuparan na.
Hindi mo man naikukuwento sa iba,
Pero hindi maipagkakaila—
Mas matatag ka na ngayon kaysa noong una.
Kultura at Literatura