02/01/2025
DALAWA, SUGATAN SA AKSIDENTE SA LABO, CAMARINES NORTE
Dalawang indibidwal ang sugatan matapos ang isang aksidente sa Purok 5, Barangay Malasugui, Labo, Camarines Norte noong Enero 1, 2025, bandang 9:30 ng gabi. Ang insidente ay kinasangkutan ng isang motorsiklo at isang pampasaherong bus, kung saan ang mga biktima ay agad na isinugod sa ospital upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Ayon sa ulat ng Labo Municipal Police Station, ang mga sangkot na sasakyan ay isang Honda TMX 155 motocycle na kulay asul, na minamaneho ni alyas Andy, 20 taong gulang, residente ng Purok 2, Barangay Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte sakay angkas nitong si alyas Chris, 21 taong gulang, mula Barangay Guinacutan, Vinzons, Camarines Norte at isang JAC Bus ng Gersan Lines, kulay p**a at puti, na may plakang NEM 4654. Sa kasalukuyan, ang bus ay nasa kustodiya ng Labo MPS para sa masusing imbestigasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, habang mabilis na binabaybay ng motorsiklo ang kalsada mula bayan ng Labo patungong Barangay Guinacutan, Vinzons, ay hindi nito napansin ang reflectorized signage na nakakabit sa nakaparadang bus. Dahil dito, sumalpok ang motorsiklo sa likuran ng bus. Agad namang tumugon ang mga tauhan ng Labo MPS at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na siyang nagdala sa mga biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang mga karagdagang detalye at maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente sa hinaharap.
Ang publiko ay pinaalalahanang mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa gabi, at maging alerto sa mga signages at babala sa kalsada upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Source/๐ท : CNPPO PRESS RELEASE