![| Ang mga "HINDI"Hindi ko pangarap ang kasalukuyan kong tinutupad Hindi ito ang karera na plinano ko mula pagkabataNgu...](https://img4.medioq.com/557/854/636215395578545.jpg)
28/01/2025
| Ang mga "HINDI"
Hindi ko pangarap ang kasalukuyan kong tinutupad
Hindi ito ang karera na plinano ko mula pagkabata
Ngunit habang nahihinog ang isipan ay unti-unti kong nauunawaan ang mga dahilan-
Kung bakit ako narito
Kung bakit ko itinuloy
At kung bakit hindi ako tumanggi sa daang kanilang iminungkahi.
Pangunahing hangarin ang kumuha ng kursong may kaugnayan medisina
Ngunit tila makasarili kung kagustuhan ko lamang ang pagtutuunan
Una'y wala pa akong kakayahan na tumayo sa sarili kong mga paa
At mag-isang pag-aralin ang sarili ay tila napakaimposible.
"Hindi tayo mayaman anak", katagang saki'y nagpamulat
"Kursong mas magaan sana sa bulsa" hirit pa nina ate at kuya.
Minarkahan ko ng ekis ang pangarap kong nakasulat sa'king talaan
At pilit pinalitan ng kursong kaya nilang suportahan.
Napagtanto ko kamakailan
Ang landas na aking tinahak ay hindi naman ako pinipiga't pinahihirapan
Malayo ang isipan sa pagsuko kahit hindi talaga ito ang nasa puso
Marahil hindi ko lang iniinda ang bigat at mga pagod
Siguro dahil nakikita kong ang mga nagpapaaral ay tila kayod-kalabaw upang ako'y maitaguyod.
Hinding-hindi hihinto
Hangga't ang mga nagpapaaral ay di sumusuko.
----------
Isinulat ni Myca Ortiguez
Dibuho ni Leonard Jake Cabais