15/01/2024
“𝓐𝓷𝓰 𝓛𝓪𝓷𝓰𝓰𝓪𝓶 𝓪𝓽 𝓐𝓷𝓰 𝓣𝓲𝓹𝓪𝓴𝓵𝓸𝓷𝓰”
𝘈𝘦𝘴𝘰𝘱 (𝘓𝘭𝘰𝘺𝘥, 2018)
Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Ilang sandali pa, lumakad na siya. Gaya ng dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.
“Magandang umaga kaibigang Langgam,” bati ni Tipaklong. “Kay bigat ng iyong dala. Bakit ba wala kanang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”
“Oo nga, nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon,” sagot ni Langgam.
“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam,” wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon, tayo ay magsaya. Halika, tayo ay lumukso. Tayo ay kumanta.”
“Ikaw na lang kaibigang Tipaklong,” sagot ni Langgam. “Gaya ng sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon ako ay naghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pag sumama ang panahon.”
Lumipas pa ang maraming araw, dumating na ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumulog at lumakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kaawa-awang Tipaklong. Naalala niyang puntahanang kaibigang si Langgam. Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong.
“Tok! Tok! Tok!”
Nang buksan ni Langgam ang pinto nagulat siya.”Aba! Ang aking kaibigan,” wika ni Langgam. “Tuloy ka Tipaklong.”
Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Mabilis na naghanda siya ng pagkain. Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.
“Salamat, kaibigang Langgam,” wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniniwala sa iyo. Kailangan nga palang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng tag-gutom.”
Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at higit sa lahat natuto siyang mag-impok.
𝘼𝙧𝙖𝙡 𝙣𝙜 𝙆𝙬𝙚𝙣𝙩𝙤
Mag-impok habang maganda ang sitwasyon upang maging handa sa anumang suliranin sa hinaharap.
𝙈𝙜𝙖 𝙆𝙖𝙩𝙖𝙣𝙪𝙣𝙜𝙖𝙣
1. Ano ang mga dating gawi na gusto mong baguhin at mga pagpapahalagang kailangan mong panatilihin kapag nag-iipon?
2. Anong diskarte at pamamaraan ang maaari mong iakma para makatipid?
3. Paano mo tuturuan ang iyong mga anak at iba pang miyembro ng pamilya na mag-ipon?
𝚜𝚘𝚞𝚛𝚌𝚎://
𝙳𝚎𝚙𝚊𝚛𝚝𝚖𝚎𝚗𝚝 𝚘𝚏 𝚂𝚘𝚌𝚒𝚊𝚕 𝚆𝚎𝚕𝚏𝚊𝚛𝚎 𝚊𝚗𝚍 𝙳𝚎𝚟𝚎𝚕𝚘𝚙𝚖𝚎𝚗𝚝 𝙿𝚊𝚗𝚝𝚊𝚠𝚒𝚍 𝙿𝚊𝚖𝚒𝚕𝚢𝚊𝚗𝚐 𝙿𝚒𝚕𝚒𝚙𝚒𝚗𝚘 𝙿𝚛𝚘𝚐𝚛𝚊𝚖 (𝚗.𝚍.)𝟸𝟶𝟸𝟶. 𝙵𝚊𝚖𝚒𝚕𝚢 𝙳𝚎𝚟𝚎𝚕𝚘𝚙𝚖𝚎𝚗𝚝 𝚂𝚎𝚜𝚜𝚒𝚘𝚗𝚜 𝙼𝚘𝚍𝚞𝚕𝚎. 𝙵𝚒𝚗𝚊𝚗𝚌𝚒𝚊𝚕 𝙻𝚒𝚝𝚎𝚛𝚊𝚌𝚢 𝙼𝚊𝚗𝚞𝚊𝚕. 𝚙𝚙. 𝟻𝟹-𝟼𝟽