03/03/2022
TINGNAN: Marso 2, sa naging pagbisita ni Senatorial Aspirant Chiz Escudero sa Calapan City Oriental Mindoro, binigyang diin niya sa harap ng mga lokal na mamamahayag ang mga pangunahing batas na isusulong niya sakaling mabigyan muli ng pagkakataong makabalik sa senado partikular na rito ang may kaugnayan sa pagkakaroon ng mas mahusay na pamamahala ng pondo ng pamahalaan at pagbibigay kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan na pangasiwaan ito dahil naniniwala siyang mas magiging epektibo kung ang mga Local Government Unit (LGU) ang mamamahala nito.
Binigyang diin din niya ang pagpapaunlad at pagsasaayos ng laang pondo na may kasapatan sa larangan ng agrikultura para sa kapakanan ng maraming mga Pilipinong magsasaka, pangangalaga sa kapaligiran at iba pa.
Binigyang diin din ng dating senador at kasalukuyang Sorsogon governor ang panawagan sa mga konsernadong ahensya hinggil sa maiinit na isyu na may kaugnayan sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansang Ukraine at Russia na kasalukuyang may mainit na tensyon sa pagitan ng dalawang naturang bansa.
Matatandaang aktibo ang dating senador na punahin ang aniya'y kakulangan ng tugon ng pamahalaan sa mga katulad na usapin.
Maliban rito, direkta ring sinagot ng dating senador ang iba pang mahahalagang isyung may kinalaman sa kapakanan ng milyong- milyong Pilipino sa bansa at maging ang mga nasa ibayong dagat.
Para sa kapakanan ng maraming mga Mindoreño, at mga Pilipinong dumaraan sa lalawigan, pabor siya sa pinapalanong pagtatayo ng "super bridge" upang mas maging kumbinyente, mabilis at mapamura ang transportasyon patungo at palabas ng mainland.
Pinuri naman ng mga myembro ng media ng Oriental Mindoro ang pagiging direkta, maayos at magalang na pakikitungo ng dating senador sa mga ito na naniniwalang mataas ang tsansa na muling mabigyan ng mandato sa senado dahil sa pangunguna nito sa mga survey at pagiging mahusay nitong lider at mambabatas. / R.Warr