04/06/2023
Sa dami ng pinagdaanan natin sa mga nakalipas na buwan, natutunan kong pagkakataon lang ang walang hangganan.
Ilang beses man tayong ilugmok sa kabiguan, lagi pa ring may pagkakataon para umahon at ituloy ang laban. Maraming ulit man tayong pinatumba ng mga problema, hindi nawawala ang pagkakataong maaari ka muling magsimula.
Ang mga buntong-hininga ay senyales na kakayanin mo pa.
Wala man itong salita — ang ibig sabihin nito’y pamamaalam sa mga bagay na hindi mo na kayang isalba pa, at pagtanggap sa ideyang may iba ka pang magagawa. Na kahit pa may hinagpis kang dinarama, hindi ka nawawalan ng pag-asa. Ang buntong-hininga ay hindi nangangahulugang ayaw mo na.
Ang pangarap na naantala ay hindi pangarap na nawala.
Maaaring sabihing namahinga, pero hindi p’wedeng ideklarang sumuko na. Maaaring may mga maliliit na pangarap sa pagitan ng malalaki. Maaaring may ibang inuuna, maaaring naliligaw pa, o p’wede ring dahan-dahan ang hakbang patungo sa pangarap niya. Hindi nawawala ang pangarap, normal ang paghihintay bago ito matupad.
Sa dami ng pinagdaanan natin sa mga nakalipas na buwan, natutunan kong pagkakataon lang ang walang hangganan.
Ang bawat pagkabigo ay maaari nating tapusin sa buntong-hininga. Mamahinga. Muling magsimula. Dahil ang bawat pagkaantala ay hindi nangangahulugang wala na.