21/07/2024
Kwentong spaghetti muna tayo.ππ
Alam nyo ba dati sa amin, kapag merong nagluluto ng spaghetti ay itatanong kaagad kung sinong may birthday? Ang spaghetti kasi dati ay nailuluto lamang kapag may okasyon lalo na kapag merong nagdiriwang ng kaarawan.
Kagaya ng pansit, ang spaghetti rin ay simbolo ng "long life" para sa ating mga pinoy. Kaya ito ay popular na handa tuwing merong nagbi-birthday. At kagaya namin na hindi kasing yaman ng iba ay nakakakain lang talaga kami ng spaghetti kapag may okasyon or minsan pa nga walang spaghetti kapag meron nang pansit na handa.
Kaya tuwing merong spaghetti talaga ay sobrang tuwa na namin noon at ninanamnam ko talaga bawat subo dahil alam kong matatagalan pa ulit bago ako makaka-kain nito. Akala ko noon na ang spaghetti ay hinahanda lang tuwing may birthday at kapag spaghetti ang handa nyo ay masasabi na talagang medyo nakaka angat na ng konti sa buhay dahil madalas pansit ang meron sa handaan dahil mas mura nga naman ito kesa sa spaghetti.
Ngayon tuwing nagluluto ako ng spaghetti na kahit wala namang okasyon...nagluluto lang ako dahil nagca-crave ako or ang anak ko, or dahil wala nang maisip na ulamin kaya spaghetti na lang ang naisipan lutuin. Ginagawa ng pantawid gutom na lang ito ngayon. Kahit araw-arawin ko pa itong kainin ay magagawa ko na. Hindi parin naman ako mayaman hanggang ngayon pero masasabi kong kahit anong oras o araw na gusto kong kumain ng spaghetti ay afford ko na.
Kaya sa tuwing nagluluto ako ng spaghetti in an ordinary day, ito yung nagiging constant reminder sa akin na kahit papaano ay umaangat din naman pala tayo sa buhay. Alam kong dumaan tayong lahat sa punto na dati hirap tayong abutin or makamtan ang isang bagay pero magugulat ka na lang ngayon or marerealize mo na abot kamay mo na pala ito.
Ito yung masasabi mong malayo pa pero malayo na. Kaya let's celebrate our small wins dahil masarap din naman makita na unti-unti tayong umaangat sa buhay. Hindi man mabilis pero kahit papaano ay umuusad din naman.
Ikaw, anong kwentong spaghetti mo?π