24/08/2023
: Matagal nang misteryo ang tunay na edad ng 90s action star na si Jeric Raval. Baby face kung ilarawan siya ng karamihan at hanggang ngayon ay nananatili pa ring matikas ang kanyang katawan.
“We were debating kahapon pa,” paunang salita ni Tito Boy.
“Si Jeric ba, may nagsabing 49, 48, may nagsabing 51, ang sabi ko hindi naman. Ang estimate ko, Jeric should be around 51. Once and for all, ilang taon ka na ba talaga?,” usyoso ng King of Talk.
“Sasabihin ko ba talaga? Baka bigyan ako ng role, naka-wheelchair na,” nakangiting sagot ni Jeric.
“Magka-age bracket po kami nila ano, nila Randy Santiago. Kami po magkaka-edaran. Kaya lang nung nag-uumpisa po ako sa OctoArts, siyempre ang press relese nila ay bata ka. Pero at that time, 27 na ako eh. Ginawa lang 18, 19,” kuwento niya.
Dito na inamin ni Jeric ang kanyang totoong edad na talagang ikinagulat ni Tito Boy.
“Ang sagot dun ay you should be around what, 60, 61, 62?,” pag-usisa ni Tito Boy.
“62,” sagot ni Jeric .
Ayon kay Jeric, sapat na tulog at masustansyang pagkain ang kanyang sekreto kaya siya nananatiling mukhang bata.
“Binabantayan ni Holiday (asawa ni Jeric) ang mga pagkain ko lagi. Walang animal fats, walang anumang cholesterol. Pati yung chicken ko, ipatatanggal niya yung skin. Pero as much as possible ang pinaluluto niya sa akin vegatable, fish, chicken, naglalaro lang sa ganun,” paliwanag ng aktor.
Nagsimula ang career ni Jeric noong 1992 nang ilunsad siya ng OctoArts bilang pangunahing action star. Pero lingid sa kaalaman ng marami, nag-audition siya para maging rapper pero nakitaan siya ng potential na maging artista.
Ani Jeric, “Way back 1990, halos kabubukas lang ng OctoArts (Films). So pumunta kami dun kasi OctoArts, recording studio yun eh. So nagbukas din sila sa film. It so happened na nandun kami, maga-audition kami. Kasabayan kung napunta sa OctoArts sila Michael V eh, tsaka yung mga rapper na babae noong araw. Anyway, nakita ako ni Willlie Milan.”
Ang yumaong si Wilfredo Milan ay isang kilalang award-winning action director na kilala sa mga pelikulang Bago Kumalat Ang Kamandag, The Moises Padilla Story, at marami pang iba. Siya ay naging paboritong director nina Fernando Poe Jr, Eddie Garcia, Ace Vergel at Robin Padilla.
“Nilalako niya ako, dinala niya ako kay Mother (Lily Monterverde, Regal Films producer), yung pelikulang Anak ng Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, eh ang role ko kontrabida, ayaw ni Willie Milan. Ang sabi niya pag ginawa kang kontrabida, hindi ka na sisikat. Dapat ang una-unang pelikula mo, bida ka,” kuwento niya.
“Bumalik kami sa OctoArts, ang OctoArts ang sumugal sa akin. Si Boss Orly (Ilacad). Ang unang pelikula ko, bida kaagad. Primitivo Ebok Ala, Kalabang Mortal ni Baby Ama. Starring role agad,” dagdag niya.