01/09/2023
Gulong ni Jeffrey D. Lagarile
Ako ay nagmula sa kawalan
Tulad ng gomang nagmula sa dagta lamang
Hinulma at kinamal upang makuha ang kabuohan
Pinatibay ng panahon at pinanday hanggang ngayon.
Inilagay sa sasakyan upang maghatid ng simunan
Bakas ay guhit sa daan
Sari-sari ang natatapakan
Ngunit patuloy ang gulong hanggang sa kawalan.
Minsan nadadaan sa lubak
O kaya nama'y malambot na ebak
Minsan madulas, minsan matigas
Sa kahit anong daan hindi umaatras.
Buhay ko ay tulad ng gulong
Laging nakahanda sa bawat panahon
Tuloy ang pag-ikot napapadpad hanggang ngayon
Subalit nananatiling matigas at laging handa sa anumang hamon.
Iisa ang aking kulay at handang pagtiisan
Sapagkat ito lang talaga ang alam
Ang pinagmulan ay kadiliman
Ngunit hatid naman ay malalim na kahulugan.
Salamat sa gulong ako ay natuto
Lumaban sa hamon ng mundo
Ano man ang mangyaring peligro
Sa Diyos ako kumakapit at sumusumamo.